Alphex
Setyembre 26th, 2011 § Mag-iwan ng Puna
Dahil galing probinsya, naging mailap ang tadhana
Anumang paraan ang gawin, ganoon at ganoon pa rin.
At kahit pag-asa ay nasilayan, lagi’t lagi’y may hadlang
Ganito ba talaga ang buhay? Tangka’y walang saysay.
Pinagkait na nga ang ginhawa, pati pangarap ninakaw pa.
Dahil ba kaduda-duda? O dahil wala lang tiwala?
Magandang pamumuhay ang naisin, sa ibang bayan kakamtin.
Lahat kayang ibigay: pera, oras; pero laging sablay.
Oras na bang sumuko? Pakawalan ang pangarap na ito
O patuloy lang ang paglaban hanggang ito’y makamtan?
Maraming taong umaasa, di kakayaning biguin sila.
Kung kaya nananatili ako, sana bukas ay makasakay na ng eroplano.
Ang Maya
Disyembre 21st, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Ang maya’y takot sa lupang linapagan
Walang kilala at isang dayuhan
Ngunit nakatagpo ng bagong kaibigan
Kapwa maya mula sa ibang bayan
Maya’y sa kapwa nagtiwala
Na ‘di pakakain sa buwitre o buwaya
Naging malapit sa isa’t isa
Ito dalawang ibong maya
Nagpalitan ng kanilang karanasan
Ang una’y sa paglaot sa karagatan
Ang huli’y sa paggalugad ng kagubatan
Habang sabay na lumilipad sa kalangitan
Ibong maya, dayuhan ma’y masaya
Hindi na siya nangungulila
Sa bawat oras ay laging may kasama
Ang bagong kaibigan, ang kapwa maya
‘Di naglao’y kapwa maya’y pumanaw
Sabay sa paglubog ni Haring Araw
Mayang hindi na gumagalaw
Maglaho dito sa mundo’y ayaw
Sa huli itong maya’y nawala na rin
Walang nakakaalam sinumang tanungin
Sigurado isa lang ang sasagutin
Dalawang maya’y ngayon magkapiling
Elmer
Disyembre 17th, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Halos isang linggo na lamang at Pasko na! Kanina lamang ako nagkaroon ng pagkakataong makapamili ng mga regalo para sa mga kasamahan ko sa departamento. Noong Lunes at Martes ng gabi, dumalo pa ako ng aking mga klase sa masterado. Noong Miyerkules naman ay umawit at sumayaw ako para sa Hagikhikan. Ngayon, maluwag ang aking gabi. Napag-isipan kong bumili na ng regalo.
Mula sa Trinoma, lumipat ako sa SM North EDSA. Sa huli, sa SM Megamall rin ako napadpad upang bumili ng regalo. Naging matagumpay ang aking lakad! Nakabili ako ng sapat na dami ng regalo para sa aking mga kasamahan. Palagay ko nga ay labis pa ito. (Maaari mo akong padalhan ng mensahe kung nais mong mapasaiyo ang isa sa mga nalabis.)
Tapos ko nang bayaran ang aking napamili. Nakita ko ang isang poster: Libre ang pagpapabalot ng mga regalo basta’t binili sa Department Store. Kung ang kabuuang halaga ng mga ipababalot, libre na rin ang laso, kasama ng pambalot at kard. Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, sa dami ng aking binili, ipababalot ko na. At pinabalot ko nga.
Pumila ako. Nakatayo ako sa labas ng pinto ng silid ng mga nagbabalot ng regalo. Kita ko ang isa sa kanila na naparaming binabalot. Mabilis ang kanyang kilos. Palagay ko’y gamay na gamay na nya ang pagbabalot. Siguro, doon talaga siya nakatalaga. Mula sa pagtabas ng pambalot, pagdidikit, pagtitiklop, mahusay.
Nais kong bigla na hindi pa ako kumakain. Lalo kong nadama ang gutom na lumipas na. Bakas marahil sa aking mukha na ako’y naiinip na. Ani ng isa sa mga taga-balot, “Sir, sandali lang naman yan. Kakaunti na lang naman ang ibabalot dyan.” Bilang sagot, ngumiti ako, iyong tipikal kong ngiti, sarado ang labi, walang ngipin, ani mo’y pilit.
Kinausap ko ang isa pang nagbabalot na noo’y nagsisimulang magbalot ng isang tumpok ng baso. Aabot sa mahigit 100 na regalo ang kanyang babalutin. Naisip ko tuloy magtanong: Paano kung kaunti lamang ang ipababalot? Paano na? Mayroon nakatalagang Express Lane para sa mga magpapabalot ng regalong hindi hihigit sa tatlo.
Dagdag ko pang tanong: Paano kung mahigit sa tatlo pero hindi hihigit sa 100? Ani ng isang taga-balot, sila ang tumatanggap ng mga ganoong trabaho. Lalo akong napaisip: Silang lahat ang tatapos ng mahigit 100 baso? Sagot: Hindi. Bawal tumulong ang iba. Anumang tinanggap nila, kahit gaano ito karami ay dapat nilang tapusin na walang tulong mula sa ibang tagabalot. Sa puntong ito ay naramdaman ko ang hirap ng kanyang ginagawa.
Sa unang tingin, parang masaya sila. Nagtatawanan. Nagpapalitan ng mga biro at tukso. Pero, panlabas lamang pala ito.
Dumating rin ang pagkakataon ko. Mababalot na ang aking mga regalo. Natapat ako sa tagabalot na nagsabing huwag akong mainip sa tagal. Tinanong niya ako ng kulay na gusto kong gamitin. Noong una ay pakiramdam ko’y nangunguna siya dahil ayaw nyang sundin ang gusto kong kulay (berde at pula). Ngunit nabatid ko na may katuwiran siya, mahirap dumikit ang tape sa berdeng pambalot.
Gutom na ako ng pagkakataong ito. Wari ko’y gutom na rin sila. Dalawang oras akong nakapila, mahigit walong oras na siguro silang nakatayo at nagbabalot ng regalo. Napatanong muli ako: Kumain na kayo? Wala akong balak na bigyan sila ng pagkain. Hindi pa rin ako kumakain. Sagot niya, alas-5 pa sila noong huling kumain. Alas-10 na iyon ng gabi.
Mistulang tanga ngunit sinusugan ko pa ang gutom niya: E di pagod na pagod na kayo. Sagot niya, opo sir, hindi naman po kami makina. Kahit makina, aniya, ay nagpapahinga, nag-o-overheat. Sila pa kaya, tao lang. Bakas sa kanila ang hirap na kailangang tiisin para lamang kumita.
Siguro nagtataka rin siya kung bakit marami akong regalo. Give-away ba? Sabi ko, hindi. Para sa mga kasamahan ko sa trabaho. Tanong niya, saan? Sa UP. Nagtuturo po kayo doon? Oo. Magkano po roon ang IT? May maiksing kurso sila na para sa isang taon. Matututo ka ring mag-Hapon. Bahagi ng kurikulum. Maaari ka pang makapangibang-bansa. Balak nyo pong mag-abroad? Hindi. Siguro kung mag-aaral pa.
Baka nais niyang pumunta sa ibang bansa. Hindi kasi tumatagal ng isang taon ang kanilang trabaho ng pagbabalot ng regalo. Seasonal nga, ika niya. Matapos ang ilang buwan, kailangan na ulit nilang maghanap ng bagong trabaho. Mahirap.
Mas mahirap dahil sa kalagayan nila na sobra-sobra ang dating ng mga trabaho, napapalago pa ng mga pangyayari sa kapaligiran, ano na ang mangyayari sa kanila?
Matapos ang aming pag-uusap, nadama ko ang pagkagaan ng kalooban niya. May nakausap siya na sa tingin niya ay makakaintindi sa kaniya, sa kanila. Siguro sa munting pag-uusap, nabuksan ang pag-asa niya. Kung anuman iyon, hindi ko na alam. Kadalasan kasi, ang mga kumakausap sa kanila ay nag-uutos. Ito ang kulay. Ito ang pambalot. Ito ang disensyo. Pero hindi sila handang makinig sa mga taong tulad ng taga-balot.
Matapos ang pagbabalot, nagpasalamat ako. Umuwi. Matutulog na ako sa ilang saglit. Tingin ko, sila hindi pa. Nasa biyahe pa rin, pagod, gutom. Pagkakasiyahin ang kakaunting kita para maitawid ang gutom sa labas ng bahay.
Sa kaniyang ID na nakasabit sa leeg niya, nakangiti ang larawan. May trabaho kasi. Pero kung ikukumpara ang larawan sa katotohanan, malayo. malayung-malayo. At ngayong pasko, at sana araw-araw na rin, sana maisip rin natin ang kalagayan ng mga tulad nila. Ginagabi sa trabaho sa kakaunting sahod. Maraming gawa, ngunit kaunti ang biyaya.
Pagod at gutom na rin ako. Hindi ko na nga naitanong ang pangalan niya. Kita na rin naman sa ID niya. Siya si Elmer.
Isang patak
Nobyembre 11th, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Isang patak
Ng luha ko ang ibubuhos
Para sa iyo at sa
Mga araw na nagdaang
Tayo’y masayang
Lubos
Isang patak
Ng dugo ang ibubuwis
Para sa iyo at sa
Pagkakataong gusto
Kitang makasama
Ng labis
Isang patak
Ng luha ko ang ilalaan
Para sa iyo at sa
Pag-ibig na tanging
Sakit na aking
Naramdaman
Isang patak
Ng dugo ang itatabi
Para sa iyo at sa
Pag-asa muling
Dadampi ang ating
Mga labi
Inbisibol
Nobyembre 1st, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Hindi marinig, anuman ang sabihin.
Hindi makita, anuman ang gawin.
Tila bulag sila’t hindi mapansin,
Hindi makuha ang nais iparating.
Siguro ay naging desperado,
Sa pagpapadama ng totoo.
Kaya sarili ngayon’y naglaho,
Daan-daanan na lang ng mga tao.
Sa kantang Mr Cellophane ay nabanggit
Sa kapwa itong tao’y may hinanakit
Hindi pansinin anumang pilit
Mga mata nila’y laging pikit
Dama ko ang iyong nadarama
Na minsan kinakalimutan ng iba
Kaya ako’y bihira magsaya
Laging inbisibol, laging mag-isa.
Ilang saloobin
Oktubre 8th, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Maiba lang ng kaunti mula sa madalas kong inilalagay dito. Nais kong magpahayag ng aking saloobin ukol sa mga bagay-bagay.
Kapag kinontra mo ung mga aktibista dahil sa pamamaraan nila, sasagutin ka ng iba (hindi lahat) ng mga personal na banat. Halimbawa: Partidong lumalabas lang pag eleksyon; mga taong nagpapaganda lang ng imahe. Hindi naman lahat ng pinatakbo ng kanilang partido gumagawa. Babanat pa eh! At hindi mo kailangang ipangalandakan sa publiko ang ginagawa mo. Tungkulin kasi un. Dapat talaga ginagawa kahit walang press release.
Lahat tayo, nabubulag sa mga paniniwala natin. Ako, alam ko na may pinapanigan akong partido. Alam ko rin na hindi ako ayon sa isa pang partido. Pero sana naman, maging propesyunal naman tayo. Eh kung tayo ang susunod na lider ng lipunan na ito, ay wala na tayong pinagkaiba sa mga nagbabangayan sa labas!
Hindi mo pwedeng sabihing isang partido lang ang tama. Tapos lahat ng hindi ayon, mali na. Hindi patas yan. Iba-iba tayo ng pananaw sa buhay. Kaya nga tayo nag-aaral eh. Sana maintindihan iyon ng iba. Kung maaalala natin ang mga sinabi ni Mill (sa ating SocSci II), hindi mo maaaring patihimikin na lamang ang ibang saloobin. Hindi ka nakasisigurong tama ka! Kung tama ka man, sana bigyan mo ng pagkakataon ang ibang tao na maghayag ng kanilang saloobin.
Walang karapatan ang sinuman na magbansag sa kapwa ng apatetiko o bulag sa katotohanan. Para na ring hindi mo ginalang ang kanyang pananaw. Hindi iyon ang pagkakaalam ko sa demokrasya.
Kaya kung may mga nagprotesta at hinarap ang pangulo dahil ito ang sa tingin nila ang tama, malaya sila. Kung may mga hindi nasiyahan sa pangyayaring ito, malaya sila. Sa isang demokrasya, lahat tayo ay may karapatan na maglabas ng saloobin. Walang karapatan ang sinuman na tapakan ito.
Nais ko lamang bigyan ng diin na hindi iisa ang kinikilalang pananaw at teorya sa paggalaw at pagusbong ng lipunan. Marami sila. Marami.
Hindi rin natin masasabi na tayo ang may alam ng tunay at totoo. Minsan, gumagawa tayo ng mga katotohanan na siyang pinapaniwalaan natin at nagiging totoo sa ating pananaw. Muli ito ay dulot ng mga teoryang ating pinaniniwalaan. Kung iba-iba ang teorya, iba-iba ang paniniwala.
Sa huli, hindi ko masasabing sasang-ayon kayo dito. Pero ito ang pananaw ko, ang aking saloobin. Malaya kayong sumang-ayon at malaya kayong batikusin. Pero walang personalan, maging propesyunal po tayo.
Kung alam mo lang
Oktubre 3rd, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Kung alam mo lang na mahal kita
Siguro ngayon tayo’y magkasama
Siguro pareho tayong masaya
Siguro ako sa’yo’y nag-aaruga
Siguro sabay tayong kakain mamaya
Siguro sa landas ay hindi ka mawawala
Siguro nagabayan sana kita
Siguro naging matatag ka
Siguro hindi ka ngayon lumuluha
Siguro wala kang iniisip na problema
Siguro hindi ka nag-iisa
Siguro hindi ako nag-iisa
Siguro kung nasaan na tayong dalawa
Siguro tayo’y malayong-malayo na
Kung alam mo lang na mahal kita
Piit
Setyembre 10th, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Pinitpit.
Inipit.
Pinilipit.
Damang-dama ang sakit.
Malulungkot na awit.
Pangalang hindi mabanggit.
Kapalarang kay pait.
Sana ika’y lumapit.
Narito’t nakakapit.
Nagtitiis sa kapirasong kawit.
Hampas ng hangin, hagupit.
Bulong sa taingang kay kulit.
Nagliliparang bubuwit.
Humihinging kahit saglit,
Sa oras mo’y makakupit.
Kahit sarili’y magipit.
Limutin ka mang pilit.
Damdami’y patuloy nag-iinit.
Gusto ko pa sanang maulit.
Ngunit…
Subalit…
Puso mo’y nakapiit.
Mag-isa
Setyembre 10th, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Sa isang sulok
Kumot ng lamig
May saliw, may tugtog
Apoy nananaig
Higop ng tsaa
Dama ang pait
Masamang lasa
Pusong pinilipit
Palipas-oras
Maglahong sakit
Napunong banas
Nais pang kumapit
Pero lumisan
Hindi nagtagpo
Mala-hurnuhan
Napaso
Balewala
Setyembre 4th, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Limang oras nakatayo
Nangangawit na paa
Sa paghihintay sa’yo
Ngunit lahat balewala
Hindi nakapaghapunan
Kumakalam ang bituka
Para lamang ika’y samahan
Ngunit lahat balewala
Nagmadaling tumakbo
Upang puntahan ka
Dahil humingi ng saklolo
Ngunit lahat balewala
Minsan aking naisip
Gagawin ko pa ba?
‘Pagkat anumang pilit
Lahat… balewala.

